Ebanghelyo: Lucas 24:35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
Nang nagpakita si Jesus sa mga apostol, lahat sila ay nagulat na para bang nakakita sila ng multo. Ito ay isang normal na reaksyon ng isang tao kaya nga ipinakita ni Jesus ang kanyang mga kamay at paa at kumain pa sa harap nila bilang tanda na siya ay talagang nabuhay. Ang tagpong ito
ay napakabanal at napakaganda dahil anumang pag-aalinlangan nila sa pagkabuhay ni Jesus ay nasagot na. Ito ay nakapagbigay sa kanila ng “assurance” na totoo ang winika ni Jesus na siya’y babalik. Ang kanyang muling pagbabalik ay tanda ng kanyang tagumpay at pagmamahal. Ang atas ni Jesus sa atin ay ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat. Tayong lahat ay tinawag upang makiisa sa kanyang misyon. Nawa’y tayong lahat ay makilala si Jesus
na siyang tunay na Tagapagligtas at ibahagi natin ang kanyang mga utos at pangaral sa iba. Manalangin din tayo na nawa’y patuloy tayong tulungan at gabayan ni Jesus sa ating pang araw araw na mga pasanin sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020