Ebanghelyo: Lucas 22:14—23:56*
“Pagkadakip ng oras, lumapit Siya sa hapag kasama ang mga apostol. At sinabi Niya sa kanila: “Pinanabikan kong kanin ang Paskuwang ito na kasalo ninyo bago ako magdusa. At sinasabi ko sa inyo: hindi na ako muling kakain nito hanggang di ito matupad sa kaharian ng Diyos.” At pagkatanggap sa kalis nagpasalamat Siya at sinabi: “Kunin ninyo ito at pagsaluhan. Sinasabi ko nga sa inyo: hindi na ako iinom mula ngayon ng galing sa ubas hanggang dumating ang kaharian ng Diyos.” Kumuha rin Siya ng tinapay, nagpasalamat, pinira-piraso ito at ibinigay sa kanila habang sinasabi: “Ito ang aking katawan (na ibinibigay dahil sa inyo; gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Pagkatapos ng hapunan, gayon din ang ginawa Niya sa kalis habang sinasabi: “Ang kalis na ito ang bagong tipan sa aking dugo na ibinubuhos dahil sa inyo.). “Kasama ko naman sa hapag ang kamay ng nagtataksil sa akin. Pumapanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda pero sawimpalad ang taong nagkakanulo sa Kanya.” At nagsimula silang magtanungan kung sino sa kanila ang makagagawa nito. Nagsimula sila ng magtalu-talo kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila. Kaya sinabi Niya sa kanila: “Sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at nagpapatawag na ‘Tagatangkilik’ ang mga nakapangyayari sa kanila. At huwag kayong maging ganito; maging gaya ng pinakahuli ang pinakadakila sa inyo at maging gaya ng nagsisilbi ang pinuno. Sino ba ang mas dakila, ang nasa hapag o ang nagsisilbi? Di ba’t ang nasa hapag? At nasa piling ninyo ako gaya ng nagsisilbi. (…) Simon, Simon, hiningi ni Satanas na salain kayong tulad ng trigopero, ipinagdasal kita nang di bumagsak ang iyong pananampalataya. At pagbabalik-loob mo naman, patatatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sinabi naman ni Pedro: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa kulungan man at kamatayan.” Ngunit sinabi sa Kanya ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, Pedro: bago tumilaok ang tandang ngayon, tatlong beses mo akong itatatwa.” Tinanong sila ni Jesus: “Nang isugo ko kayong walang pitaka, bag o sandalyas, nagkulang ba kayo ng anuman?” Sumagot sila: “Hindi.” At sinabi ni Jesus: “Ngayon naman, magdala ang may pitaka, gayon din ang may bag; at kung may walang tabak, ipagbili Niya ang Kanyang balabal para bumili. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na matutupad sa akin ang Kasulatang ito: ‘Ibinilang Siya sa masasama.’ Halos tapos na ang mga sinulat tungkol sa akin.” Sinabi nila: “Panginoon, heto ang dalawang tabak.” Sumagot siya: “Tama na!” (…) Lumayo Siya sa kanila na mga isang pukol ng bato ang layo, lumuhod at nanalangin: “Ama, kung gusto mo, alisin mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y huwag ang kalooban ko kundi ang sa iyo ang masunod.” At napakita sa Kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. Simbigat ng kamatayan ang Kanyang nadama kaya nanalangin Siya nang mas taimtim pa; ngunit pinawisan Siya ng malalaking patak ng dugo na pumatak sa lupa. Matapos manalangin, tumayo Siya at bumalik sa mga alagad na nakita Niyang natutulog dahil sa lungkot. Sinabi Niya sa kanila: “Bakit kayo natutulog? Bumangon at manalangin upang di madala sa tukso.” Nagsasalita pa Siya nang dumating ang isang grupo ng mga tao. At ang lalaking nagngangalang Judas na isa sa Labindalawa ang nangunguna sa kanila. Lumapit ito kay Jesus para halikan siya. Sinabi ni Jesus: “Judas, ano’t isang halik para ipagkanulo ang Anak ng Tao?” Nang malaman ng mga kasama ni Jesus ang maaaring mangyari, sinabi nila sa Kanya: “Panginoon, gagamitin ba namin ang tabak?” At tinaga ng isa sa kanila ang katulong ng Punong-pari at naputol ang kanang tainga nito. Ngunit nagsalita si Jesus: “Tama na.” At hinipo Niya ang tainga ng katulong at pinagaling. (…)
Pagninilay
“Makinig at sumunod sa tawag ng Diyos.” Ang taong marunong makinig ay makasusunod sa tawag ng pag-ibig. Sa Unang Pagbasa isinalaysay ni Propeta Isaias kung paanong binuksan ng Panginoon ang kanyang tainga at tuwing umaga, nakikinig sya sa kanya tulad ng isang tagasunod. Sa Ikalawang Pagbasa matutunghayan naman natin kung paanong bilang pagtugon sa kalooban ng Aman, nagpakababa ang Panginoong Jesus, hinubad ang kaanyuan bilang Diyos at naging tao. Sa Ebanghelyo, matutunghayan natin ang bunga ng pakikinig ng Panginoong Jesus sa tinig ng Diyos. Nang sumapit na ang oras upang matupad ang gawaing pagliligtas, hindi na tumalilis o nagtago si Jesus tulad noong hindi pa nya oras, bagkus buong tapang syang pumasok sa Jerusalem ayon sa kalooban ng Ama. Ito sana ang nais Nyang ibahagi sa kanyang mga alagad nang magtipon tipon sila sa huling hapunan. Subalit dahil kulang sila sa pakikinig at mas malakas ang tinig ng kanilang sarili at mga ambisyon, hindi nila nakuha agad ang mga habilin at mensahe ng Panginoon. Sa ating pang araw araw na buhay, nagsasalita ang Panginoon, nagbibigay ng direksyon, sinasagot ang ating mga tanong. Subalit, hindi natin mapakinggan dahil sa maingay hindi lang ang kapaligiran kundi ang ating puso at kalooban. Sa pasimula ng Mga Mahal na Araw ngayong Linggo ng Palaspas, inaanyayahan tayo ng Panginoon na manahimik, manalangin upang mapakinggan natin ang tinig ng Panginoon sa katahimikan ng ating puso, upang tulad ni Jesus, gaano man kahirap, masabi natin sa Diyos Ama, “Gayunman’y hwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
© Copyright Pang Araw-araw 2025