Ebanghelyo: Jn 6: 16-21
Nang magtakipsilim na, lumusong sa aplaya ang kanyang mga alagad, at pagkasakay sa bangka ay nagpakabilangibayo ng dagat pa- Capernaum. Dumilim na at wala pa sa kanila si Jesus: at magalaw ang dagat sa malakas na ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilang naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Nang isasakay na nila sa bangka, bigla namang nasa pampang na na pupuntahan nila ang bangka.
Pagninilay
Maging sa laot, sinasamahan ni Jesus ang Kanyang mga alagad! Sa oras ng peligro, nang maging “magalaw ang dagat at malakas ang ihip ang hangin”, bigla Siyang nagpakita at nang “isakay na nila Siya”, hindi na nila namalayan na nalampasan na nila ang pagsubok at narating nila ang kanilang paroroonan. Sa buhay natin, nariyan ang mga panahon na nakakaranas tayo ng malakas na ihip ng hangin o bagyo! Tulad ng mga disipulo, nariyan at sinasamahan din tayo ni Jesus. Sa oras na nararamdaman natin ang Kanyang presensya at isinasama natin Siya sa ating paglalakbay, hindi din natin namamalayan na nakaahon na tayo at nakakaarating sa ating patutungohan. Nawa’y lagi nating mapapansin at mararamdaman na laging naririto si Jesus, kasama natin sa ating paglalakbay at maniwalang hindinghindi Niya iiwan!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024