Ebanghelyo: Jn 6: 1-15*
(…) Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkaramiraming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” (…)
Pagninilay
Sadyang puno ng habag at awa si Jesus! Mapapansin natin sa kwento na ang mga tao ay sumugod kay Jesus dahil batid nilang napapagaling Niya ang mga maysakit. Iyan ang kanilang habol at ang iba pang mga kababalaghang ginawa Niya. Hindi nila ininda ang pagod at gutom. Nang makita sila ni Jesus, alam Niya na sila’y nagugutom at pagod na! Kaya ito ang una Niyang tinugunan sapagkat ito ang mas agarang pangagailangan nila. Dahil dito, isa na namang kamanghamanghang pangyayari ang kanilang nasaksihan na nagpapatatag ng kanilang paniniwala kay Jesus. Suriin natin ang ating buhay at mga karanasan. Anu-anong mga pangyayari sa buhay natin, kung saan pinapatunayan ni Jesus na Siya’y naririyan tuwina sa ating tabi at hinding-hindi Niya tayo pinapabayaan? Sapat ba ang mga ito upang maging lubos ang ating pagtitiwala at pananampalataya sa Kanya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024