Ebanghelyo: Juan 20:11-18
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
Labis ang pagdadalamhati ni Maria Magdalena. Tigib ng hapis at puno ng luha ang kanyang mga mata. Sa gitna ng kalagayan niyang ito, nagpakita at nangusap sa kanya ang Panginoon ngunit hindi niya ito agad nakilala. May pagkakataon din sa ating buhay na tayo’y dumaranas ng matinding dalamhati at kalungkutan dulot ng mga problema at di magagandang karanasan. Sa mga pagkakataong pakiwari nati’y wala tayong karamay, naroroon ang Panginoon at nangungusap sa atin. Maging sa gitna ng ating mga luha, doon natin makikita si Jesus. Huwag nating hayaang matakpan ng mga luha ng hinagpis ang ating mga mata. Sa halip, maging daan nawa ito upang mas makita at makilala natin ang Panginoon na kasama natin tuwina.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021