Ebanghelyo: Mateo 28:8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.
Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
Laganap at mabilis na kumalat ang fake news, mga balitang pilit na binabalot ng kasinungalingan upang mapagtakpan ang katotohanan. Ganito rin ang estratehiyang ginawa ng mga Matatanda ng bayan upang mapagtakpan ang muling pagkabuhay ni Jesus. Binayaran nila ang mga sundalong mas piniling maging instrumento ng kasinungalingan. Taliwas ito sa unang grupo ng mga babaeng tagasunod ni Jesus. Sa kabila ng takot at pangamba, nanatili silang tapat sa katotohanan at naging tagapagdala ng mabuting balita ng muling pagkabuhay ni Jesus. At ang takot at pangamba ay napalitan ng labis na kagalakan. Bilang mga anak ng Muling Pagkabuhay, tayo’y tagapagtaguyod ng katotohanan at tagahatid ng kagalakan ng mabuting balita. Huwag nawa tayong matulad sa mga sundalong sinuhulan at mas piniling itaguyod ang kasinungalingan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021