Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo? Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. Marami
ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Wala ngang ginawang tanda si Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
Pinatunayan ng mga Judio ang katigasan ng kanilang mga ulo. Maraming beses nang pinatunayan ni Jesus na Siya at ang Ama ay iisa sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Ang tanging hangad ni Jesus ay ang masunod ang kalooban ng Ama na nagsugo sa kanya. Kaya hindi maipagkakaila na ang kanyang mga gawa ay hindi lamang larawan ng Diyos na naghahangad na makipamayan sa tao. Ito rin ay pagpapadama na ang Diyos ay tunay na sumasaatin. Ngunit minsan, para na rin tayong mga Judiong naghahangad na batuhin si Jesus. Hindi kasi umaayon sa mga ninanais nating mangyari sa ating buhay ang inaasahan natin sa Diyos. Sa tuwing dinarasal natin ang Ama Namin, tunay ba na hangad natin na “sundin ang loob mo?” Magiging makatotohanan lamang ang mga katagang ito kung totoong nasusunod ang kalooban ng Ama. Tulad ni Jesus, hindi maaaring maging taliwas ang ating mga gawain sa mga katangiang ipinamamalas ng Diyos sa atin. Nagpatawad ka na ba? Naging mahabagin o matulungin ka na ba sa kapwa? Nagbuwis ka na ba ng buhay para sa iba? Ang mga ito ay ang mga katangian ng Diyos na hinahangad niyang makita rin sa atin – hindi lamang sa wika, pati na rin sa gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020