Pasko sa Payatas, Disyembre, 2011
KUNG TUMULO MAN ang luha ko sa “Tinapay ng Paslit,” umapaw naman ang puso ko sa pamilya ni Grace, ang ina ng bahay na umampon sa amin ni Ate Sylvia sa araw na iyon. Pamaskong outreach ng mga pari, madre, seminarista at layko ng St. Vincent School of Theology para sa mga mangangalakal ng basura sa lugar na madaling mahulaan sa hangin papalapit pa lang. Pagkatapos ng bendisyon, lumakad na kami at ikinondisyon ang sarili sa paghihiwa-hiwalay ng anim sa dalawampu’t-dalawang klase ng kalakal. Mga kamay ang gamit nila at masaya sila habang itinuturo sa amin kung paano pupunuin ang bawat sako. Kagyat kong binura sa isip ang gwantes. Ayaw bumaligtad ng sikmura ko (naitapon ko na ang dalandang pinagsisihan ko) at totoo ang aking tuwa sa pakikipagkwentuhan sa kanila habang hinahawakan ang iba’t-ibang kaburaraan ng aming mga kababayan (walang pang-uuyam dahil may pasasalamat para man lang sa pinagkakakitaan ng limot na bahaging iyon ng lipunan). Bago ihudyat ang kainan, buong ringal nilang inihain ang sabonerang may Safeguard at tuyong bimpo. Hanggang tanghalian, tuloy ang kwentuhan. Hindi nakaligtas sa aking obserbasyon na pinagtulung-tulungan nilang maging disente and presentasyon: magkakaiba ang malinis na plato, baso at kubyertos; tatlong putahe ang ulam; may serving spoon; mukhang bago ang mga pitsel na plastik; at may mga saging. Hindi maaaring amining nabusog kaming lahat sa mainit na pagkain at pagtrato bilang pamilya ng mga simpleng taong hindi maubusan ng tawa. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nakangiti silang lahat at puro pasasalamat ang inuungkat (kay Kernel, sa coop, multi-purpose na waiting shed, biogas na elektrisidad, tubig-NAWASA, landfill), nahihiya pang aminin na wala pa silang budget para sa kasal (aksidente lang ang pagsingit ng pangarap sa kaabalahan ng bawat araw). Dumaan ang mga kasamang may hawak na kamera, itinanong kung bakit wala kaming ginagawa (hindi nila nakita ang nanggigitata naming mga kamay) bago kami pinaporma, kasama sina Grace, sa basura (hindi naisama yung biniling mga dalandan ni Ate Sylvia para sa mga bata na sana). Hanggang matapos ang pangangalakal at isa-isa kaming tumungo sa party na siyang kulminasyon ng proyekto. Halatang kapakanan ng mga bata ang motibo pero kulang ang mga inihandang regalo lalo’t ikukumpara sa basura na baha animo. Kung taunan ang Paskuhan sa Payatas, hindi ko mabasa iyon sa bumubulong na simangot ng isang ina. Sapagkat, sa kabila ng kulang na handa ng mga bumisita, may disiplina ang aba na tumanggap at magpasalamat sa grasya malaki o maliit man. Laluna na nang makita kong hindi na nakasimangot at bumubulong sa Nanay. Kaya gusto kong sawayin ang mga emcee na seminarista pag pinatatahimik ang ingay – at saya – ng mga bata. At sabihing, “Pasko nila, diba?”
by Abraham de la Torre