Ebanghelyo: Mateo 26:14-25
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay
“Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” “Ako ba, Guro?” Bakit kaya nagtanong pa si Judas kay Jesus kung sya ang magkakanulo sa kanya? Hindi ba nagpunta na sya sa punong pari at nakipagkasundo dito na ibibigay niya si Jesus sa
halagang 30 baryang pilak? Hindi ba alam ni Judas ang kanyang
ginagawa o nagkukunwari lang na wala syang alam? Subalit dahil sa nababatid ni Jesus ang lahat, na “bull’s eye” niya si Judas. Kung sa lengwahe natin ngayon, sasabihin siguro ni Jesus, “Tanong ka pa ng tanong diyan. Ikaw na! Wala ng iba!” Nabulag ba si Judas ng kayamanan o nadala lang ng hangarin na magsimula ng rebolusyon upang mapilitan si Jesus na ipamalas ang kanyang kapangyarihan bilang mesiyas? Ano kaya ang motibasyon o nag-udyok kay Judas na gawin ang kanyang ginawa? Ipinaaalala sa atin ngayong Miyerkules Santo ang kahalagahan ng pagkilala sa sarili, lalo na sa ating motibasyon na nagtutulak sa ating mga pagpili at desisyon. Hilingin natin ang biyaya na sa araw araw na pagpili natin, lumakad tayo sa katotohanan, pakumbabang aminin at ilatag sa liwanag ang anumang nakakubling masama at makasariling isipan at hangarin, upang hindi tayo mabulag ng kayamanan, kapangyarihan o ng anumang pagnanasa na salungat sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025