Ebanghelyo: Juan 8:12-20
Kaya muling nangusap si Jesus sa kanila at nagwika: “Ako siyang liwanag ng mundo. Magkakaroon ng liwanag ng buhay ang sumusunod sa akin at hinding-hindi magpapalakad-lakad sa karimlan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo: “Ikaw ang nagpapatunay sa iyong sarili. Hindi totoo ang patunay mo.” Sumagot si Jesus sa kanila: “Kahit na nagpapatunay ako sa aking sarili, totoo ang patunay ko dahil alam ko kung saan ako galing at kung pasaan ako. Pero hindi n’yo alam kung saan ako galing at kung pasaan ako. Ayon sa laman kayo naghuhukom; hindi ko hinuhukuman ang sinuman. Kung humukom man ako, totoo ang paghuhukom ko dahil hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Amang nagpadala sa akin. Nasusulat sa Batas ninyo na totoo ang patunay ng dalawang tao. Ako ang nagpapatunay sa aking sarili at nagpapatunay naman tungkol sa akin ang Amang nagpadala sa akin.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Nasaan ba ang Ama mo?” Sumagot si Jesus: “Ni ako o ang aking Ama ay hindi n’yo kilala. Kung kilala ninyo ako, kilala rin sana ninyo ang aking Ama.” Sinabi niya ang mga pananalitang ito sa may Kabangyaman sa pangaral niya sa Templo. At walang dumakip sa kanya dahil hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay
“Si Jesus ang tunay na liwanag ng mundo.” Ang kwento ni Susana sa
Unang Pagbasa ay kwento rin ng mga bagong Susana sa ating
kasalukuyang panahon. Sila ang mga kakabaihang biktima ng kawalang katarungan subalit lumaban. Ang kanilang sandata? Panalangin at lubos na pagtitiwala sa Diyos. Si Iyam ay isang ordinaryong kawani ng pamahalaan na matapat na ginaganap ang kanyang katungkulan. Subalit dumating ang punto sa kanyang buhaypaglilingkod na nasaksihan nya ang pang-aabuso ng pinakamataas ng kawani ng pamahalaan. Sa halip na dumaloy sa agos tulad ng kanyang mga kasamahan, sumalungat siya sa kalakaran at nanindigan sa katotohanan, katarungan at dangal ng paggawa. Lubha itong ikinapoot ng “nakatataas” at siya ay kinasuhan ng labing-apat na kaso upang sikilin siya at pigain pinansyal. Bagama’t walang kapangyarihan, walang kayamanan liban sa hangarin na sundin ang kalooban ng Panginoon, lumaban si Iyam sa korte. At katulad ni Susana sa Unang Pagbasa, naghari ang katarungan at naipanalo ni Iyam ang labing apat na kaso sa tulong at awa ng Panginoon. Tunay nga na naranasan ni Iyam ang katotohanan ng Ebanghelyo na si Jesus ang tunay na liwanag ng mundo at ang sumusunod sa Kanya ay magkakaroon ng liwanag ng buhay, at hinding-hindi magpapalakad- lakad sa karimlan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025