Ebanghelyo: Marcos 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay
“God-is-in-control.” Kapag inilalarawan ko sa aking isipan ang bangka na tila lumulubog na habang natutulog si Jesus sa isang sulok, naaalala ko rin ang isang larawan sa Salmo 23: “Ipinaghanda ninyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.” Sino kaya ang may ganang kumain kung sa harap mo ay may hukbong nakahandang lumusob upang ika’y patalsikin? Makakatulog tayo sa bangkang hinahampas ng mga alon, at uupo tayo sa hapag sa harap ng hukbo ng kaaway, kung matatag ang ating pananampalataya sa Diyos. Sa mga panahon na humaharap tayo sa malalakas na bagyo sa ating mga buhay, baka mangyari na matukso tayong sabihin sa Diyos: “Mamamatay na ako at tila balewala sa’yo!” “Chillax, cool ka lang. I am in control”, ang sagot ng Diyos sa atin na may matamis na ngiti. “Pagsubok lang yan, kaya mo yan!” Ito ang madalas nating marinig na salita, hindi sa mga dalubhasa sa Bibliya, kundi sa mga karaniwang taong may pananalig sa Diyos. Batid nila, at sana maging din ating konbiksion, ang katotohanan na: God-is-in-control.
© Copyright Pang Araw-araw 2025