Ebanghelyo: Marcos 3:7-12
Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
“Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa ebanghelyo, hindi ang mga pinagaling ng Panginoon o ang mga nais humipo sa kanya ang nagbigay saksi tungkol kay Jesus, kundi ang mga inaalihan ng maruruming espiritu. Nagpatirapa sila sa harapan niya habang sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos”. Ang mga masasamang espiritu ay nilikha rin ng Diyos, ngunit sumuway sa utos ng Maylikha, lumayo sa kanya, at naging maruruming espiritu. May kalooban din sila, at alam nila kung sino ang Diyos, at kung sino si Jesucristo, pero sumusuway pa rin at nananatili silang madumi. Nangyayari din ito sa buhay natin, batid natin kung sino ang Diyos, kung ano ang utos ng Simbahan, at sumusunod sa panlabas, pero hindi pa rin mabisa sa buhay natin ang pagbibigay natin ng saksi, dahil mas pinipili nating maging hindi mabuti. Sana hindi ito mangyari sa atin. Ang layunin ng pagpapagaling sa mga may sakit at inaalihan ng maruruming espiritu ay ang kaligtasan ng kaluluwa. Baka hindi na mabilang ang mga pagkakataon kung kailan sinagip tayo ng Diyos. Nawa’y ang mga tandang ito, o “himala”, ang siyang magpabago sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025