Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
“Ang mga abay ng nobyo.” Ang ninong ko na si Aldo ay isang taong hindi marunong magsimba, pero may karunungan. Simula sa aking pagkabata, lagi ko siyang dinadalaw para makinig sa mga kwento niya, na kahangahanga at laging may aral. “Sa buhay may mga cycles” isang maxim natutunan ko sa kanya. Ang mga alagad ni Jesus noong aktibo pa siya sa kanyang ministeryo, ay nasa isang magandang cycle o ikot ng buhay. Sila “ang mga abay ng nobyo”, ang mga kaibigan na lagi niyang kasama. Masaya siguro ang kanilang samahan habang nililibot nila ang buong Judea at Galilea. Pero matatapos din ang cycle na ito, na kasunod ng isang mapait ay ang matamis na panahon, ang pag-akyat ni Jesus sa langit. Noon sila’y nag-ayuno ng totoo, naranasan din nila ang maraming pagsubok. Alam natin na halos lahat sa kanila’y nag-alay ng kanilang buhay bilang martir. Pagnilayan natin ang cycle natin sa kasalukuyan. Sinu-sino ang mga taong lagi mong kasama? Nagpapakita ka ba ng kalinga? Naglilingkod ka ba ng tunay? Darating ang panahon na hindi na kayo magkakasama. Sa mga dati mong kasama, nagpapakita ka ba ng malasakit kahit malayo na sila?
© Copyright Pang Araw-araw 2025