Ebanghelyo: Mt 1: 1-17*
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. (…) Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
Pagninilay
Naranasan mo na bang pumunta sa reunion ng inyong angkan? Madalas tinatanong kung kaninong anak ka, sino ang iyong mga kapatid, sino ang mga magulang ng iyong mga magulang. Nagagalak tayong malaman kapag may koneksyon ang pamilya natin sa ibang tao o pamilya. Mahalaga ang pagsubaybay o pagnanais na malaman ang iyong pinagmulang pamilya, Ito ay makakatulong upang mas mapalalim natin ang kaalaman natin tungkol sa ating mga sarili, Sa pamamagitan ng pagaaral tungkol sa nakaraan ng ating pamilya— ang kanilang mga pinagmulan, mga ginawa sa nakalipas, mga hinabing pangarap at mga dahilan ng kanilang lumbay at pighati, natutunan nating pahalagahan ang ating pinagmulan at ang kwento ng nakaraan. Sa ebanghelyo, sa papamagitan ng paglalatag ng pinagmulan ni Jesus, pinatotohanan na walang duda si Jesus ay nagmula kay Abraham at nasa linya ni Haring David. Nagpapatunay lamang na siya ang Mesiyas na katuparan ng mga pangako. Ikaw, may duda ka ba sa pagkatao ni Jesus?
© Copyright Bible Diary 2024