Ebanghelyo: Mt 9: 27-31
Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!“ Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?“ At sumagot sila: “Oo, Ginoo!“ Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.“ At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.“ Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.
Pagninilay
Napakahirap kimkimin sa sarili ang isang bagay lalo na kung ito’y nagbigay sa iyo ng matinding kaligayahan. Ganito marahil ang naramdaman ng dalawang bulag na pinagaling ni Jesus. Kahit pa tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kanino man ang ginawa Niyang pagmumulat sa kanilang mga mata mula sa pagkabulag ay ipinahayag pa rin nila ito. Hindi rin naman natin sila masisisi. Nang panahon ni Jesus, madalas na pinaniniwalaan ang pagkabulag bilang bunga ng kasalanan (Juan 9:1-3). Kapag ang isang tao rin ay bulag, itinuturing siya na nasa laylayan ng lipunan sapagkat wala silang oportunidad sa maayos na paghahanapbuhay at madalas pa nga’y namamalimos sa mga lansangan. Kaya naman, mauunawaan natin kung bakit ganun na lang ang kaligayahang bumalot sa dalawang bulag at ipinahayag nila sa kanilang komunidad na sila’y nakakakita na. Sa kabilang banda, kailangan din naman nating purihin ang dalawang bulag na nagpahayag nang kanilang pagsampalataya kay Jesus na sila’y gagaling. Ito’y isang mahalagang sangkap ng pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024