Ebanghelyo: Lc 20: 27-40*
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.“ Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilangbuhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.“(…)
Pagninilay
Minsan, isang kaibigan ang nagtanong sa akin kung sa pagkabuhay ba matapos ang kamatayan ay magkakakilala pa rin kaya tayo bilang mag-asawa, magkapatid, magkapamilya at magkaibigan? Kung susundan natin ang naging tugon ni Jesus, malinaw pa sa sikat ng araw ang kanyang naging paliwanag sa mga Saduseo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay o resurrection. Winika ni Jesus na bagamat ang lalaki at babae ay nagaasawa, hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapatdapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, at hindi na nga sila mamatay. Ito naman ay sinang-ayunan ng ilang guro ng Batas (mga Pariseo) na naniniwala sa muling pagkabuhay. Ang tugon ni Jesus ay isang paanyaya sa mga Saduseo na lawakan nila ang kanilang pag-unawa. Madalas ganito rin tayo ng pagtrato sa Diyos. Nais nating ikahon ang Diyos nang ayon sa kakayahan at pagkakaunawa lamang natin sa Kanya. Sabi nga sa Roma 11:33, “Napakalalim ng kayaman at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan! Kaya hilingin natin sa Diyos na tayo’y pagkalooban Niya ng sapat na kaalaman upang maunawaan ang Kanyang mga plano para sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw – araw 2024