Ebanghelyo: Lc 19: 41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.“
Pagninilay
Isang pambihirang pagkakataon na makitang nanangis si Jesus. Ito ay nang masilayan nila ang Lungsod ng Jerusalem. Sinabi na sasapitin ng lungsod ang matinding karahasan at pagsikil sa kamay ng kanyang mga kaaway, sapagkat hindi nila nababatid ang panahon ni ang pagdalaw ng Diyos. Hindi nila kinilala ang ipinadalang sugo ng Diyos, ang Kanyang Bugtong na Anak, si Jesus. Nanatili silang bulag at sarado ang mga puso sa mga palantadaang ipinamalas sa kanila. Tinanggihan nila ang alok Niyang kaligtasan. Minsan ganito rin tayo sa Panginoon. Hindi sapat ang mga biyaya at grasyang natatanggap natin upang makilala at tanggapin natin Siya sa ating buhay. Tila ba kulang pa at naghahanap pa tayo ng mga pambihirang tanda. Ang Diyos ay kapiling natin, Siya’y kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay. Kung buksan natin ang mga mata ng ating puso at patutuluyin ang Panginoon dito, tiyak na makikilala natin Siya ng lubos
© Copyright Pang Araw – araw 2024