Ebanghelyo: Lc 18: 1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpuntapunta niya’.“ Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng dimatuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?“
Pagninilay
Nakaengkwentro ka na ba ng isang taong makulit o kaya naman ay paulit-ulit? Minsan naririndi o naiinis tayo, kaya naman mas pinipili na lang natin siyang huwag pansinin. Pero kung siya’y nagpatuloy sa paglapit, pinagbibigyan din natin siya sa kanyang nais at iniisip na titigil na siya. Kung tutuusin kahanga-hanga rin ang isang taong hindi nauubusan ng lakas ng loob at nagpupursige na dumulog upang siya’y mapakinggan at mapagbigyan. Ganito ang mensahe ng Panginoon sa ebanghelyo. Huwag tayong mangiming tumawag sa Panginoon sa panalangin. Kung sa palagay natin ay walang nakikinig sa atin, hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Sa halip, mas lakasan pa natin ang pagtawag natin sa Kanya. Hindi kailanman,
nagsasara ng tenga ang Diyos sa mga anak niyang dumaraing upang humingi ng tulong at gabay. Walang tagumpay na hindi nadadala sa pagtitiyaga at pinagpapala ng Diyos ang sinumang nanatili sa Kanya hanggang sa huli. Hilingin natin sa Panginoon na tayo’y kanyang patatagin sa panalangin at pagkalooban ng pusong handang maghintay. Sabi nga, God is the best listener… He hears even the very silent prayer of a sincere heart.
© Copyright Pang Araw – araw 2024