Ebanghelyo: Mt 18: 1-5, 10
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
Pagninilay
Batid natin ang turo ni Jesus na sino mang nagpapakumbaba sa sarili ay siyang pinakamalaki sa kaharian ng Diyos. Ang nagpapakumbaba ay nakakakilala ng lubos sa kanyang sarili at tanggap niya na ang lahat ng nasa mundong ito, maging ang ating buhay, ay mula sa Diyos. Gayundin naman, ang nakakakilala sa kanyang sarili ay napapanghahawakan ito, lalo na sa panahon ng mga pang-uusig o pagmamalupit mula sa kamay ng iba. Tunay niyang isinasabuhay at sinusunod ang utos ng Diyos. Ayon kay Jesus,
ang tumatanggap sa mga maliliit na bata ay tumatanggap din sa Kanya dahil nakikilala at nakikita natin si Jesus sa kanila. Ang ating panalangin, nawa’y makilala natin nang lubos ang ating sarili upang matutunan nat ing maging mapagpakumbaba.
© Copyright Pang Araw-Araw