Ebanghelyo: Jn 20: 1-2, 11-18 *
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. (…) At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. (…)Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, pinatotohanan ni Maria Magdalena na muling nabuhay
ang Panginoon. Ang kanyang pagiging saksi ay sumasalamin sa napakalalim na ugnayan niya kay Jesus. Siya ay pinili, isang babae, bilang maging pinakaunang saksi para sa pinakadakilang yugto sa buhay ni Jesus. Ipinapahayag nito ang malalim na papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa ating Simbahan. Ang kanyang katanyagan at papel sa unang bahagi ng ministeryo ni Jesus ay hindi mapagaalinlanganan, at maging hanggang sa dulo ay hindi siya bumitaw at umalis sa tabi ni Jesus. Walang simbahan ang dapat magparamdam sa mga babae na hindi sila mahalaga at wala silang maibabahagi sa paglago ng Simbahan. Sa panahon ngayon, mahalagang tingnan nating muli nang may lalim ng pananampalataya ang dapat na tungkulin ng mga babae sa simbahan bilang mga kasama at kaagapay sa pagpapahayag ng mabuting balita. Tulad ni Maria Magadalena, bilang mga anak ng Diyos, tayong lahat din ay tinatawag na tahakin ang daan ng pagmamahal kahit na ito ay may kaakibat na sakripisyo at sakit upang sa gayon ay maipahayag din natin sa ating buhay at sa ating kapwa na Muling Nabuhay si Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2024