Ebanghelyo: Mc 10: 32-45*
(…) Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.“ At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?“ Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.“ Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?“ Sumagot sila: “Kaya namin.“ Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.“ Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. (…)
Pagninilay
“Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo…” Binigyangdiin ni Jesus kung paano maging isang “lingkod” na naayon sa Ebanghelyo at ito ay Kanyang pinatunayan sa kanyang sariling karanasan. Kung paano ang pag-aalay ng buhay para sa iba. ang pagmamahal ay walang bisa kung hindi ito nakikita sa paglilingkod. Siya mismo ang nangunguna sa isang pagiging alipin at ang huwaran ng kababaangloob bilang Lingkod sa gitna ng mga lingcod, bagama’t Siya ay isang Hari. Hindi Niya hinangad na paglingkuran kundi ang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay upang tubusin tayong lahat. Minsan ng winika ni Jesus na anuman ang ginagawa natin sa pinakamababa sa ating kapwa, ginagawa rin natin sa Kanya. Kaya kung gusto nating maglingkod sa Kanya, ang pinakamatibay na paraan ay ang paglilingkod sa mga taong higit n nangangailangan. Nawa’y maging totoo ito sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024