Ebanghelyo: Jn 6: 35-40
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Isa sa pinakamalalim na paglalarawan kay Jesus sa Ebanghelyo ni San Juan ay ang pagpapakilala niya sa kanyang sarili bilang ang Tinapay ng Buhay. Sino man ang lumapit sa kanya ay hindi kailanman magugutom. Sa Ebanghelyo, ang paglalarawang ito ay konektado sa buhay na walang hanggan, na matatanggap nang sinumang nanalig kay Jesus. Hindi na kailanman magkakaroon ng pagkagutom sa buhay na walang hanggan at ang buhay na walang hanggan ay ipinagkakaloob sa sinumang nanalig kay Jesus – ang Tinapay ng Buhay. Si Jesus bilang tinapay ng buhay ay pinagkakaloob ang kanyang sarili upang sa gayon mabuhay ang iba. Maaaring ang tinapay o ostiya na ating tinatanggap ay mukhang pangkaraniwan lang, ngunit ito ay pambihira sapagkat nagbibigay-buhay. Ang buhay na walang hanggan na ating tinaggap ay nagkakaroon ng kabuluhan kung naibabahagi sa iba. Si Jesus, bilang ang tinapay ng buhay, ay palaging nagbibigay buhay. Tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay tinawag upang maging katulad ni Jesus. Tayo ay hinahamon na ialay din ang ating buhay para sa ating kapwa. Tulad ng isang piraso ng tinapay na pinaghati-hati at pinagsaluhan upang magbigay ng buhay, kailan ang huling beses na may ginawa tayong bagay na maituturing nating nagbibigay-buhay?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024