Ebanghelyo: Jn 5: 31-47*
Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan ang aking patunay. (…) May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. (…) Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad? Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?
Pagninilay
Para saan ang paggawa natin ng kabutihan – upang mapapurihan tayo ng tao o kalugdan tayo ng Diyos? Nasasayang ang mga merito o biyayang kalakip ng mga gawang mabubuti kung ang intensyon ng tao ay pagkilala ng iba. Na para bang palakpak nila ang siyang nagiging motibasyon niya sa pagtulong sa iba o anupamang gawaing katulad nito. Kung ganito ang nangyayari, darating ang panahon na mawawalan siya ng gana kung hindi siya napapansin o nabibigyan ng inaasahan niyang pagpapahalaga. Ang magiging tuon ng kanyang atensyon ay kung paano siya pasasalamatan ng iba kaysa pag-ibayuhin ang kanyang mga gawain para sa kapwa. Subalit kung ang palagi niyang iniisip ay ang wagas na kabutihan para sa iba at ang papuri lamang ng Diyos, hindi siya masasaktan kahit man hindi siya mapansin. Ang mahalaga sa kanya ay ginawa niya ng lihim ang dapat gawin. Diyos ang nakakikita ng mabuti niyang ginagawa at iyon ang mas mabuti sapagkat hindi sa papuri ng tao siya humuhugot ng inspirasyon kundi sa katunayang Diyos ang nakababatid ng maganda niyang hangarin at gawain. Gumawa tayo ng mabuti para para mapapurihan kundi para kalugdan ng Poong Maykapal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024