Ebanghelyo: Mc 5: 1-20*
Dumating sila sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, at pagalis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan.(…) Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan.” Sinabi nga sa kanya ni Jesus: “Lumabas ka sa tao, maruming espiritu.” At nang tanungin siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” sumagot siya, “Hukbo nga ako, marami kasi kami.” At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon. Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon.” At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nangyari. Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng Hukbo. Kaya natakot sila. (…) Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipahayag sakanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.” (…)
Pagninilay
Ituon natin ang pagninilay sa isang hayop na kilala ng lahat – ang baboy. Ito ay inaalagaan ngunit pinapatay din upang kainin. Sa ebanghelyo ngayon ay binanggit ang baboy. Dito pumasok ang masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus. Nakiusap nga ang masasamang espiritu kay Jesus na papasukin sila sa mga baboy na tumakbo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod. Unang pagninilay: Bakit sa mga baboy lumipat ang masasamang espiritu? Marumi ang turing sa baboy. Madalas ay marumi rin ang kinakain nito. May kasabihan tayong “Birds of the same feather flock together.” Kanino ba naman sasama ang marumi kundi sa marumi rin? Kapag makasalanan tayo, kagigiliwan tayong puntahan ng demonyo. Kapag tayo ay nasa estado ng grasya, gumagawa ng mabuti at palaging nananalangin, matatakot ang diyablo na lumapit sa atin. Ikalawang pagninilay: Bakit ipinamanhik ng mga tao kay Jesus na umalis sa kanilang lupain? Baboy pa rin ang dahilan. Nalunod ang mga baboy. Nalugi ang mga tao sa kanilang negosyo. Nawalan sila ng ikabubuhay. Mas mahalaga sa kanila ang mga baboy kaysa sa presensiya ni Jesus. Maling pagpapahalaga! Higit-higit si Jesus sa anumang bagay at sa anumang yaman. Kapag kasama natin ang Panginoon, kakamtin natin ang lahat. Siya ang tunay nating kayamanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024