Ebanghelyo: Mc 1: 21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.”Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usapusap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
Panalo! Ito ang karaniwang sinasabi ngayon kapag mahitsura ang tao, maganda ang lugar at maayos ang pagkain. Nababago man ang pakahulugan ay iisa pa rin ang tamang kahulugan ng “panalo.” Ito ay pagwawagi sa anumang tungggalian sa larangan ng buhay. Sa ebanghelyo ngayong Linggo ay hinamon si Jesus ng masamang espiritu. Nakipagtunggalian siya sa Panginoon. Walang siyang nagawa. Naanalo si Jesus, pinatahimik siya at pinalabas sa taong kanyang inaalihan. Sa pasimula pa lamang ng ministeryo ni Jesus ay nagpamalas agad siya ng pagwawagi sa puwersa ng kasamaan. Sa sinagoga ay napatahimik niya ang masamang espiritu. Tinukso siya ng Diyablo ngunit hindi siya nahulog sa tukso. Maraming salaysay sa Bagong Tipan na si Jesus ay nagpalayas ng masasamang espiritu upang palayain ang mga taong inaalihan nito at upang ipakita na naghahari na ang Diyos. Binibigyan tayo ni Jesus ng halimbawa. Kinakailangan din nating magapi ang hindi mabilang na mga kasamaang nagtatangkang umangkin sa ating pagkatao. Patuloy na kumikilos si Satanas uoang talunin tayo at ilayo sa Diyos. Hindi siya tumitigil upang ang tao ay mahulog sa bitag ng pagkakasala. Lahat ay kanyang gagawin upang tayo ay kanyang maging kampon. Minsan ay nagkaroon ng eleksyon sa impiyerno. Ihahalal ang kapalit ni Satanas. May tatlong kandidato na naghanay ng plataporma. Sabi ng una, “Sasabihin ko sa mga tao sa lupa na walang impiyerno kaya pwede na silang gumawa ng masama. “ Walang pumalakpak. Sabi naman ng ikalawa, “Sasabihin ko sa kanila na walang langit at hindi na kailangang magpakabuti.’ Wala ring pumalakpak. Nagsalita ang pangatlo, “Ssabihin ko sa kanila na may langit at impiyerno pero huwag silang magmadali sa pagpapakabuti dahil may panahon pa.” Nagpalakpakan ang lahat at siya ang ibinoto. Ganyan ang paraan ni Satanas. Lilinlangin tayo na kalimutan na muna ang pagkakabuti dahil may panahon pa naman para magsisisi. Paano kung hindi na dumating ang gayong panahon? Matalino si Satanas ngunit mas matalino si Jesus na ating sinusundan. Kapag kay Jesus tayo sumunod, magwawagi tayo. Kay Jesus palaging PANALO.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024