Ebanghelyo: Marcos 12:38-44
Kaya sinabi niya sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.”
Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. Maraming mayamang nagbigay ng malalaking halaga. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya.
Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman.
Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.”
Pagninilay
Madalas ang pagiging bukas-palad ay sinusukat sa laki at dami ng ibinigay. Sa Ebanghelyo, kinalugdan ni Jesus ang isang babaeng balo na nag-alay ng dalawang kusing na ilang sentimo lamang ang halaga. Sa kabila ng kanyang kahirapan, buong puso siyang nag-alay ng kanyang makakaya. Tulad ito ng mga tao sa barrio na nagkakatay ng pinatabang manok upang ipakain sa pari na nagmimisa sa kanila. Makikita sa kanila ang saya habang kasalo ang kanilang bisita, isang sandali na di nila makakalimutan. Ano ang nadarama natin sa tuwing tayo’y nagbibigay at nagbaba hagi ng biyaya? Ang atin bang pagbibigay ay mula sa kung ano ang sobra sa atin o mula sa atin g puso? Ang halaga ng atin g ibinigay ay hindi nakabatay sa laki o liit nito. Magiging mahalaga ang pagbibigay kung magmumula sa isang pusong puno ng galak at pasasalamat. Nawa ang atin g pagiging bukas-palad ay maglarawan ng kabutihan at pagiging bukas-palad ng Diyos sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023