Ebanghelyo: Marcos 12:35-37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang kasihan siya ng Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’ Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?” Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
Pagninilay
Iniwasan ni Jesus na tawaging Anak ni David sapagkat ito’y tumutukoy sa pulitikal na mesiyas, na inaasahan ng mga Hudyong magliligtas sa kanila sa pananakop ng mga Romano. Ang pagiging Mesiyas ni Jesus ay hindi pulitikal. Ito’y gaya sa isang pastol na nagtatanggol, gumagabay at nag-aaruga sa kanyang mga tupa. Si Jesus ang Pastol na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kawan. Dala niya ang kapayapaan at pag-ibig na pinakita niya sa pagtitiis at kababaang-loob at hindi sa kapangyarihang puksain ang iba. Ito rin ang turo ni Jesus sa mga mananampala taya na nasa kapangyarihan, ang mapagpakumbabang pag lilingkod tulad ng Mabuting Pastol. Ito ang halimbawa ni Jesus na dapat gawin ng Simbahan. Minsa’y may mga hindi pagkakasundo dahil sa iba’t-ibang pamamaraan, pag-uugali at prinsipyo. Pero sinabi ni Jesus na ating Pastol, “Sumunod ka sa akin.” Sundin natin ang kanyang halimbawa. Maglingkod tayo ng may katarungan at kapakumbabaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023