Ebanghelyo: Juan 15:1-8
Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga.
Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo.
Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sa rili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin na man kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namama lagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo maka gagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab.
Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.
Pagninilay
May isang ina na nagwika sa kanyang anak, “Kung hindi ka na susunod sa aking mga paalala, umalis ka na at maghanap ng ibang ina.” Bahagi ng tungkulin ng isang magulang ay ang pagdisiplina sa anak upang lumaki itong mabuti at matuwid. Sa pagdidisiplina at pangangaral, natututo ang bata ng mga gawi at ugali na marapat paunlarin at mga di mabuting bagay na dapat alisin. Ito rin ang nilalarawan ng talinghaga ni Jesus tungkol sa ating relasyon sa Kanya at sa Diyos Ama. Si Jesus ang puno at tayo ang mga sanga. Samakatuwid, kung si Kristo ang puno, tulad din niya ang kanyang mga sanga. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos, tayo’y nagiging karapatdapat na manatili kay Kristo at mamunga ng masagana. Tanda ng ating pananatili kay Kristo ay ang ating mga gawa. Marapat lamang na iwaksi ang mga ugali at gawa na hindi ayon sa mga aral at halimbawa ni Jesus upang tayo’y maging karapat-dapat na tawaging mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023