Ebanghelyo: Juan 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala.
Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Niloob ng Diyos Ama na ang lahat ay maligtas sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak na kanyang sinugo. Dahil dito, hindi tatalikuran at pababayaan ang sinumang lumalapit sa kanya. Sa Eukaristiya, lagi tayong pinaaalalahanan ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay na hinati upang makabahagi ang lahat. Kalakip ng pakikibahaging ito ay ang pananampalataya sa kanya. Kung kaya nga’t sa tuwing tayo’y tumatanggap ng banal na komunyon, ang ating tugon ay “Amen” na tanda ng ating pananampalataya kay Jesus, ang Tinapay ng Buhay. Nawa’y biyayaan tayo na sa bawat pagtanggap natin sa Katawan ni Kristo, maging matatag ang ating pananalig na tunay na matagpuan si Jesus sa ating buhay at gayundin, tayo’y magkamit ng buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023