Ebanghelyo: Lucas 24:13-35
Nang araw ring iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.
Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?”
Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang maka pang yarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito.
Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya.
Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.”
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta.
Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila.
At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nagaalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”
Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jeru salem. Nakita nila roon na mag kakasama ang Labing-isa at ang iba ni lang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Pagninilay
Ang buhay ng Kristiyano ay isang paglalakbay sa pananampalataya. Si Cleopas at ang isa pang alagad patungo sa Emmaus ay kasakasama ni Jesus bago pa man naganap ang pagpapakasakit ni Jesus sa Jerusalem. Nakinig sila sa kanyang mga salita. Nasaksihan nila ang mga gawang himala at pagpapagaling ni Jesus sa maysakit. Umaasa sila kay Jesus. Narinig nila na Siya’y nabuhay muli pagkatapos ng tatlong araw mula sa kanyang pagkamatay sa krus ngunit ito’y kailangan nilang patunayan. Yuko ang ulo silang naglalakad dahil sa hapis at pagkabigo. Sa kabila nito, nanatili silang bukas sa pakikinig sa isang taong sumama sa kanila sa paglalakbay. Sa bawat hakbang nila, nabuksan ang kanilang isipan, at sa paghahati-hati ng tinapay sa kanilang hapunan, nag-alab ang kanilang mga puso at nakilala nila si Jesus na nangungusap sa kanila.
Sa Banal na Misa, nakikinig tayo sa mga Salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng tinapay sa Eukaristiya. Ating inaalala ang pag-aalay ng sarili ni Jesus, ang tinapay ng Buhay. Nawa’y mapalalim natin ang pagkilala sa Muling Nabuhay na si Jesus sa mga sakramento, lalo’t higit sa banal na misa. Nawa’y patatagin ng mga Salita ng Diyos ang ating mga isip at pag-alabin ang ating mga puso sa pagtanggap natin sa tinapay ng buhay. Ito nawa’y magbigay ng lakas at sigla sa ating misyon ng pagpapahayag ng mabuting balita ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023