Ebanghelyo: Juan 5:1-16
Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon pa-Jerusalem si Jesus. May isang palanguyan sa Jerusalem na Betzata ang tawag sa Hebreo, malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga may sakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo (habang naghihintay sa pagkilos ng tubig. Sapagkat paminsan-minsa’y bumababa sa palanguyan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At umiigi sa anumang sakit ang unang makalusong matapos makalawkaw ang tubig.).
At doo’y may taong tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Pagkakita ni Jesus dito na nakahandusay at pagkaalam niya na matagal na ito roon, sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang may sakit: “Wala po akong taong makapaghahagis sa akin sa palanguyan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, may lumulusong nang una sa akin.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at maglakad-lakad!” At dagling umigi ang tao, at binuhat niya ang kanyang higaan at naglakad-lakad.
Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na magbuhat ka ng higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa aking “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ang taong nagsabi sa iyong ‘Magbuhat at maglakad-lakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakatalilis si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon.
Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Hayan, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ginawa ang mga ito.
Pagninilay
May isang taong lumapit sa pari pagkatapos ng misa at nagwika, “Father, may pumunta sa aming bahay at nagsabing maliligtas lamang ang mga sumasamba tuwing araw ng Sabado.” Sumagot ang pari, “Ano sa kanila kung iligtas tayo ng Panginoon sa araw ng Lunes? O baka sa araw ng Huwebes, naantala dahil hinahanap pa ang nawawalang tupa?” Ang Panginoon ay Diyos ng lahat ng panahon. Ang kanyang gawang pagliligtas ay patuloy kahit pa sa Araw ng Pahinga. Ang Diyos ang nagbibigaybuhay, walang kautusan ang makapipigil sa Kanya sa pagpapagaling ng maysakit at paggawa ng mabubuting bagay. May kasabihan, “the law follows life.” Dahil dito, nawa ang batas ay makapagbigaybuhay at hindi makapigil sa paglago ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023