Ebanghelyo: Mateo 23:13-22
Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manu numpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay
Ang mga Pariseo at mga nagtuturo ng batas ay ina asahang na maging tapat na mga tao. Pero bakit kaya sila pinupuna ni Jesus? Ito ay dahil isinasara nila ang kaharian para sa mga tao. Mahusay silang mga tagapagturo pero hindi nakikita sa kanilang gawa ang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig. Lumalabas na sila ay mapagkunwari. Nagdudulot lamang sila ng pahirap sa buhay ng tao sa pagpapasunod sa bawat titik ng batas ngunit hindi man lang makapagabot ng kamay upang tumulong. Ang buhay ni San Agustin na ginugunita ng Simbahan ngayong araw ay nagpapaalalang ang pagkilala sa Panginoon ay nagiging makahulugan kung tumutulad tayo sa Kanya. Nawa ang atin g mga pagsusumikap tungo sa kabanalan at pagsunod sa mga batas ng Diyos ay magdala sa atin patungo sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023