Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham.
Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pag durusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’
Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’
Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’
Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
“‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagninilay
Sa pagkakabaliktad ng kapalaran ng dalawang tao sa Ebanghelyo, hindi ko maiwasang magtanong: Kasalanan bang maging mayaman? Masuwerte nga bang maging mahirap? Kung tatanungin natin ang bawat isa, lahat tayo ay ayaw maging mahirap at gusto nating yumaman. Kaya nga tayo nagtatrabaho ng husto na halos ayaw na nating magpahinga, diba?
Hindi kasalanan ang maging mayaman. Napunta ang mayaman sa impiyerno nang mamatay sapagkat nasa kanya na ang lahat ng paraan para tumulong sa naghihirap na si Lazaro, subalit wala siyang ginawa. Mabuti pa ang aso, may ginawang mabuti sa mga sugat ni Lazaro, samantalang siya ay nagpakasasa at nagpakabusog lamang. Hindi rin naman dahil sa mahirap si Lazaro kaya’t sa langit siya napunta nang mamatay. Marahil, sa kabila ng kanyang katayuan sa buhay, ay sinikap pa rin niyang mabuhay ng tama. Maaari naman niyang pagnakawan ang mayaman o kaya ay pagtangkaan ang buhay nito pero hindi niya ginawa. Tiniis at sinikap niyang maging mabuti hanggang sa huling hininga. Sa huli, nagkapalit ng kalagayan ang dalawa sa katapusan ng kanilang buhay. Isang paalala na suriin natin ang pamumuhay natin ngayon. Kung tayo man ay sagana, dahil ito sa kabutihan ng Diyos. Pinasagana niya tayo hindi para sarilinin ang mga biyayang ito, kundi ibahagi sa napakaraming Lazaro sa paligid natin na umaasa sa tulong na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong Kanya ring pinagpala.
Magsumikap tayong lahat na umasenso hindi para iangat ang sarili kundi upang maiangat din natin ang buhay ng iba. Ang Diyos ang magbibigay ng gantimpala sa mga taong iniisip ang kapakanan ng iba. Ang pinakagantimpalang maaari nating matanggap ay ang papasukin tayo sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022