Ebanghelyo: Mateo 25:14-30
Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang- bayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.
Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo.
Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo’y tumubo pa ako ng dalawang talento.’ Ang sabi ng amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Natakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko.
Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’
Pagninilay
Noong panahon ng pandemya dulot ng Covid-19 marami ang nagutom. Marami ang nawalan ng trabaho. Ang tanging inasahan ng karamihan, lalo na sa sektor kung saan maraming mahihirap, ay ang ayuda na ibinigay ng gobyerno. Bagamat marami ang naantala ang bigay, ganun pa man karamihan ay nakatanggap. Ang iba ay umisip ng paraan kung paano mapapalago ang perang natanggap. Sila ay nagnegosyo kaya’t nagkaroon sila ng pinagkukunan ng kabuhayan. Pero marami rin ang hindi nag-isip. Ang nakakalungkot, pagkatanggap nila ng ayuda, ang ilan ay ginamit sa bisyo. Ipinansabong o ipinangbili ng alak. Nang maubos na ang ayuda, nagreklamo na naman sa gobyerno. At dahil hindi agad makapag-bigay ng ayuda, mas naging matigas ang kanilang ulo at hindi sumunod sa mga lockdown protocols.
Sa Ebanghelyo, ipinapaliwanag sa atin na hindi nagkulang ang Diyos sa pagbibigay ng Biyaya. Hindi madamot ang Diyos. Madalas, tayo ang hindi marunong mag“handle” ng mga biyayang ating natatanggap. Mahilig tayong umasa na lang sa ibibigay sa atin. Imbes na matutong pagyamanin ang ating natatanggap. Nawa’y patuloy tayong mapaalalahanan ng talinhagang ito na maging matalino at mapagpasalamat sa anumang ipinagkakaloob sa ating ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022