Ebanghelyo: Juan 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhikpanaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Ngayong kapistahan ni San Bartolome, balikan natin ang 2 mahalagang bagay sa kuwento sa Ebanghelyo kung saan siya ay tinawag ni Jesus. Isa sa pangalang narinig natin ay Natanael – si Natanael at si Bartolome ay iisa. Una, dahil kay Felipe, nailapit at naipakilala niya si Natanael kay Jesus. Maganda ring balikan na ito ay misyon ng bawat isa sa atin. Ang ipakilala si Jesus sa mga taong naghahanap sa kanya. Ikalawa, narinig natin mismo sa bibig ni Jesus kung bakit niya pinili si Natanael na maging alagad. Nakita ni Jesus na siya’y hindi magdaraya. Sinabi ni Jesus, “masdan ninyo ang isang totoong Israelita, siya’y hindi magdaraya!” Katangian na kailangan nating maisabuhay lalo na sa panahon ngayon na marami ang mapagkunwari. Maraming fake. Anumang relasyon o paglilingkod na sinimulan sa pagsisinungaling ay walang magandang maidudulot. Kaya mabuting ituwid na natin ang ganitong ugali. Kahit ano pa tayo, tanggap tayo ng Diyos. Kahit sino pa tayo, hindi natin kailangang magkunwari sa harap Niya. Kaya nga lagi nating tatandaan na hindi tayo minamahal nang Diyos dahil mabait na tayo. Mahal tayo ng Diyos kahit noong hindi pa tayo matino. Mahal na tayo ng Diyos kahit hindi pa natin Siya kinikilala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022