Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan.
Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala:
‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari.
Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay
Nang magkaroon tayo nang pandemya dulot ng covid-19, isang bagay na itinuro nito ay ang katotohanan na tayo ay pantaypantay. Walang kasarian. Walang lahi, lahat ay pwedeng ma-virus. At dahil lahat kailangan naka-facemask at faceshield, walang pangit o maganda. Lahat pantay-pantay na. Isang bagay ang ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo, na tayong lahat na kanyang tinawag ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Pagdating sa langit, lahat ay makakatanggap ng kanyang Biyaya. Bakit ba hindi natin makuhang maging masaya sa tuwing nagkakaroon din ang iba nang mga bagay na mayroon tayo? Bakit ba ang hilig nating isipin na dapat higit tayo sa iba o angat tayo kaysa iba? Kung ganito ang paiiralin nating kaisipan, maghihilahan tayo pababa at hindi na uunlad ang bansa natin. Huwag puro sarili ang isipin. Hindi ito ikinalulugod ng Diyos na makita sa bawat isa sa atin. Dapat tayong matuwa kung ang iba ay nagtatagumpay din. Nauna at naranasan na natin ang magtagumpay, hindi ba dapat maging masaya rin tayo sa tagumpay o pagbabago ng kapwa natin? Hindi tayo magiging masaya kung puro sarili ang uunahin natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022