Ebanghelyo: Mateo 13:1-9
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay
Ang isang klasiko na linya na madalas nating marinig sa mga nakatatanda ay ang, “Kung nakinig ka lang sana, e hindi ka sana napahamak.” Ito ay talaga namang may bahid ng katotohanan. Ang mga kabataan ay laging naririnig ang mga pangaral ng kanilang mga magulang, pero sadyang napakahirap para sa kanila ang makinig. Kapag pinag-aaral, mag-aral lang; hindi ang kung anu-anong kalokohan ang pinaggagagawa. Hindi tuloy nakatapos. Ang iba, kapag kinakausap, akala mo ay nakikinig pero pasok sa isang tenga, labas sa isang tenga, dahil ayaw nilang makinig. Ang madalas na napapahamak ay yaong hindi nakikinig ng mabuti. Kaya sa Ebanghelyo, binibigyang diin ni Kristo na, “Ang may mga pandinig ay makinig!” Kaya lang madalas mas pinakikinggan natin ang mga gusto lang nating marinig o ang mga bagay na interesado tayo. Pag ayaw natin, napakadaling mag ‘off” ng ating mga tenga. Ganun pa man, sa paalala ni Jesus, nawa’y huwag nating balewalain ang kanyang mga aral at turo. Ito ay para sa ikabubuti ng ating mga buhay. Mahirap naman na kapag nagsasalita tayo ang gusto nating makinig sa atin ay ang Diyos. Sadya namang pinakikinggan tayo ng Diyos. Sana lang kapag nagsasalita ang Diyos, mas makinig tayong mabuti.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022