Ebanghelyo: Mateo 12:46-50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.”
Sumagot si Jesus sa nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
Pagninilay
Kung isa kang ina o magulang at may marinig kang hindi magandang sinasabi tungkol sa iyong anak, ano ang mararamdaman mo? Ano ang gagawin mo? Sa Ebanghelyo, pinuntahan ni Maria kasama ang kanyang mga kapatid si Jesus. Bakit sila nagpunta? Kung babasahin ang Mateo kabanata 12, sinabihan si Jesus na kampon ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo, kaya siya’y nakagagawa ng mga kababalaghan. Ang mga Pariseo at mga Eskriba ay patuloy siyang ginigipit at sinisiraan. Mauunawaan natin kung bakit napasugod si Maria at ang mga kapatid ni Jesus.
Ito ay isang paalala sa atin na muling pagtibayin ang ating pamilya. Marami ang nagnanais na sumira at wasakin ito. Hindi dahilan ang pagkakaiba-iba ng ating paniniwala sa loob ng tahanan para hindi natin alalayan ang isa’t isa. Tama man o mali ang isa sa ating mga kapamilya, dapat ay naroon tayo para umalalay. Higit kanino man, ang pamilya ang sasaklolo sa atin. Hindi dapat maging hadlang ang pamilya upang magawa natin ang misyon na ibinibigay sa atin ng Diyos. Sa halip, ang pamilya dapat ang higit na makakaunawa sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022