Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Ang hudyat ng pagtatapos ng tagtuyot ang ginawang babala ng propeta sa nagtaksil na hari. Makikilala ang totoong propeta kung natutupad ang propesiya niya. Sinabi ni Propeta Elias na hindi uulan sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkagayun nga. Sa tagpong isinalaysay sa Unang Pagbasa, si Propeta Elias din ang nagsabi na naririnig na ang tunog ng ulan at bumuhos nga ang malakas na ulan.
Hindi manghuhula ang propeta. Siya ay matalik na kaibigan ng Diyos. Madalas siyang nakikipagniig sa Diyos. At dahil sa palagiang pagtatagpo ng kanilang diwa at kalooban, naarok ng propeta ang mga lihim na saloobin ng Diyos. Sa ganitong kadahilanan lumilitaw na nakakabasa ng hinaharap ang propeta. Mas tamang taguri sa kanya ang tagapagsalita ng Diyos. Ipinagkakatiwala sa propeta ang mga utos at turo na nais Niyang iparating sa kanyang mga anak. Naririnig at nauunawaan ito ng propeta kaya’t siya ang magpapahayag nito sa mga tao. Itong matalik at malalim na ugnayan ng propeta sa Diyos ang siya ring tinutumbok ng ebanghelyo: natutupad mo ang batas kung naisasabuhay mo ang diwa nito. Mas malawak sa ibig sabihin ng salita ang tunay na diwa ng batas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022