Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
“Mapalad ang taong tinuturuan mo, Panginoon; siyang sinasanay mo sa pamamagitan ng Iyong utos.” Salmo 93(94): 12
Natuwa ako nang mapansin ko ang Salmong ito. Ang mga batas, maging sa Diyos o sa tao, ay gabay sa buhay at sa maayos na pakikipagkapwa- tao. Napagtanto ko na ang pag-uutos sa mga bata ay pagsasanay upang matutuhan nila ang mga tamang gawain: utusan mong magligpat ng pinagtulugan, utusan mong isaayos ang kanyang mga laruan, utusan mong magbahagi ng pagkain at magpahiram ng laruan. Mula pagkamusmos ay nagsisimula na ang paghuhubog para sa mabuting katauhan. Ang batang nagsimulang kumilala at sumunod sa mga utos ay matututo ng tamang pakikisalamuha sa ibang tao. Paanong nakalimot ang mga Israelita kay Yawe (Unang Pagbasa)? Nakisalamuha sila sa mga taong may ibang relihiyon at sariling diyos-diyosan. Hindi sila nahubog sa pagsunod sa batas ni Yawe kung kaya’t madali silang nahikayat sa ibang pagsamba at banyagang kaugalian. Matuwid at payak ang SAMPUNG UTOS. Ito ang gabay pabalik sa iniwan at nakalimutan nating Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022