Ebanghelyo: Mateo 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
Pagninilay
Sa kalupitan ni Herodes, umasta siyang tao na parang pumapatay lang ng isang daga, sunugin ang buong angkan! Noong bata pa si Jesus, ang banal na pamilya ay sumailalim sa isang masahol na pagsubok. Ninais ni Herodes na patayin si Jesus dahil ayaw niya na may ibang hari bukod sa kanya. Si Herodes ay matatawag nating isang duwag at masamang tao, takot sa isang bagong panganak na sanggol. Salamat sa pagsunod ni Jose, sinunod niya ang utos ng anghel na dalhin ang kanyang pamilya sa Ehipto upang makatakas kay Herodes. Matapang na ipinagtanggol ni San Jose ang banal na pamilya upang mailigtas si Jesus at matupad ang kanyang misyon. Sa pagdami ni Herodes sa ating panahon, nawa’y dumami pa ang San Jose sa bawat isa sa atin na naghahangad na mabigyan ng proteksyon hindi lamang ang maraming inosenteng bata, maging ang mga mahihina sa ating lipunan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021