Ebanghelyo: Juan 20:1a at 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mis-mong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala.
Pagninilay
Kahit na sariwa pa nating ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus, pinag-uusapan natin ngayon ang libingan na walang laman sa ebanghelyo. Ito ay dahil sa kapistahan ni Apostol San Juan na pinaniniwalaang alagad na minamahal ni Jesus. Si Maria Magdalena, Pedro, at ang alagad na mahal ni Jesus ay ang unang mga saksi sa kanyang muling pagkabuhay. Ngunit bakit hindi pinangalanan ang ibang alagad? Maaring ang layunin kung bakit hindi pinangalanan ang lahat ng alagad ay upang isama rin tayo, na ang bawat Kristiyano na sumusunod at sumasampalatay kay Jesus ay isang alagad na kanya ring minamahal. Na lahat ay tinatawag upang maging mga
saksi ng Kanyang buhay, kamatayan
at muling pagkabuhay. Ito’y
dapat din nating ipahayag sa iba
sa pamamagitan ng ating lubos na
pananampalata sa Kanya, na dapat
makita sa ating salita at gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021