Ebanghelyo: Lucas 7:24-30
Nang Makaalis na ang mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Nasa mga palasyo nga ang mga taong magara ang bihis at napakasarap ang pagkain. Ano nga ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Tama. At sinasabi ko sa inyo na higit pa sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: ‘Pinauna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daan sa harap mo.’ Sinasabi kong wala nang hihigit pa kay Juan sa lahat ng mga anak ng babae pero higt pa sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos.” Tumanggap na ng binyag ni Juan ang lahat ng taong nakaririnig kay Jesus pati na ang mga publikano, at kinikilala nila ang Diyos. Hinadlangan naman ng mga Pariseo at mga guro ng Batas ang kalooban ng Diyos sa di nila pagpapabinyag kay Juan.
Pagninilay
Ngayon ang simula ng “misa de gallo” sa mga Katoliko ng Pilipinas. Siyam na araw na novena mass na nakatuon sa mahal na Birheng Maria. Pasko na ang pakiramdam ng mga tao. Ngunit huwag nating kalimutan na tayo ay nasa panahon ng Adviento pa rin. Ituon sana natin ang ating atensyon kay Juan Bautista. Pakinggan muna natin ang kanyang mensahe ng paghahanda sa daan ng Panginoon, upang ihanda rin ang ating mga puso sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Sa kabila ng maraming mga pagdiriwang na ating dadaluhan o ang ang malaking halaga ng “bonus” na ating matatanggap, alalahan nating na hindi lamang ito para sa iyo. Isipin nating ang sinabi ni Juan sa sino mang may dalawang balabal o damit, dapat ay ipamigay ang isa sa iba na nangangailangan. Magiging makahulugan lang ang ating pagdiriwang ng Adbiyento at Pasko kung matututo tayong magbahagi at magbigay sa ating kapwa tao lalo na sa mga dukha at mahihirap.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021