Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.” At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
Sa aking palagay parehong may problema sa dalawang anak na lalaki. Nang inutusan sila ng kanilang ama na pumunta sa ubasan, ang unang anak ay tumanggi ngunit siya ay nagtungo at nagtabaho pa rin, habang ang pangalawang anak naman ay sinabi na oo ngunit hindi tinupad ito. Hindi ba ang batayan kung tayo ay tapat ay kung ang ating salita ay magkatugma sa ating ginagawa? Dalawang pangkat ang laging naroroon sa harap ni Jesus sa paggawa niya ng kanyang misyon. Ang mga pinuno ng mga Judio, na marami sa kanila ay matigas ang puso, at ang mga maniningil ng buwis, gayun din ang mga babaeng bayaran na nahimok ang puso sa mga salita ni Jesus. Kaya’t sinabi ni Jesus, “ang huli ay mangunguna sa iyo sa daan ng paghahari ng Diyos.” Kapag nangangaral si Jesus, ang tinig ng Diyos ang naririnig ng mga tao. Kapag ito ay tinig ng Diyos, tinatawag tayo upang huwag patigasin ang ating mga puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021