Ebanghelyo: Mateo 21:23-27
Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
Tinanong ni Jesus ang mga punong-pari at Matatanda ng mga Judio kung sino ang nagbigay kay Juan Bautista ng karapatang magbinyag. Isa lang sana ng sagot. Kung sumagot sila na ito ay mula sa Diyos, tapos na sana ang pagtatalo dahil maniniwala na sila kay Jesus na pinakilala ni Juan Bautista. Batid natin na si Jesus ay higit pa kay Juan Bautista. (Juan 3:30). Sa isa naming pagpupulong sa Konseho Pastoral ay may isang miyembro ang nagwika na, “ang pari ay hindi maaaring magpasya na higit pa sa konseho dahil sa mga layko ito.” Malinaw na hindi niya nauunawaan ang kapangyarihan ng Konseho at ng pari. Huwag sana nating pagdudahan ang mga naglilingkod sa atin. Sila ay instrumento rin upang makilala natin ang Diyos na nagmamahal sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021