Ebanghelyo: Lucas 20:27-40
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na magaasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilangbuhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
Pagninilay
Nagtagumpay si Jesus na ipaliwanag sa mga Saduseo na mayroon muling pagkabuhay. Ang layunin ng mga Saduseo na alamin kung ano ang pasya ni Jesus ukol sa muling pagkabuhay. Gumagawa si Jesus ng isang punto dito. Una, ang pag-aasawa ay isang proseso ng mga taong naninirahan sa mundo. Wala itong kinalaman sa muling pagkabuhay dahil sila ay tulad ng mga anghel. Pangalawa, ang lahat ay naniniwala na ang Diyos, ang Diyos ng mga buhay. Totoo ang pagkabuhay na mag-uli dahil ito ang nangyari kay Jesus at ito ang nangyayari sa atin. Inanyayahan tayo ni Jesus na magisip ng malalim at magtiwala lang sa kanya ng lubos. Ipinagdarasal natin ang karunungan na hindi tayo nakulong sa bitag ng kayabangan at para sa katapangan na mamuhay sa pagiging simple na ayun sa tawag ni Jesus sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021