Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.”
Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit Pagbubunyag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
“Pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?” May isang taong nagdarasal ngunit nag-aalangan din siya, ito ang kanyang wika, “O Diyos, kung mayroong ngang Diyos, maawa ka sa aking kaluluwa, kung mayroon man ako.” Hindi talaga tayo mananalangin kung wala tayong pananampalataya. Sa ating ebanghelyo ngayon, pananampalataya ang nagtulak sa biyuda na sumangguni sa masamang Hukom upang makamit niya ang hustisya. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagtiis siya. At sa wakas ay nakuha rin niya ang kanyang nais. Sinasabi rin sa atin ng pananampalataya na dapat tayong maging matiyaga sa ating mga dalangin, at nawa’y hindi tayo magbabago. Nawa’y tuloy-tuloy ang ating dalangin na may pananalig at pagtitiwala na ibibigay sa atin ng Diyos ang kailangan natin sa tamang oras at panahon. Sinasabi rin sa atin ng ating pananampalataya na ang kalooban ng Diyos ang masusunod at hindi ang ating kagustuhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021