Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong Siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.”
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap.
Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng Kanyang pagdating. Subalit kailangan muna Niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.
Pagninilay
Hindi nagbigay si Jesus ng malinaw na kahulugan kung ano ang Kaharian ng Diyos. Ipinangangaral Niya ito sa pamamagitan ng mga talinghaga. Isinalaysay din sa atin ng kasulatan na sa pagdating ni Jesus ang mga tao ay makakakita at madarama ang Kaharian ng Diyos. Nagturo si Jesus na magmahalan tayo, magmahal maging sa ating mga kaaway. Sa ebanghelyo ngayon sinasabi niya na ang kaharian ng Diyos ay nasa iyo. Ano ang ibig sabihin nito? Sa tuwing ikaw ay nagmamahal, ikaw ay nag-aambag upang mapunuan ng Kaharian ng Diyos. Ang tunay na nagmamahal ay marunong kumilala at handang magdusa. Ang pagdurusa ni Jesus ay bahagi ng pagsasakatuparan ng Kaharian ng Diyos. Inaanyayahan tayong mabuhay bilang mga anak ng Diyos na nagmamahalan. Handa ka bang gampanan ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021