Ebanghelyo: Lucas 17:11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.
Kaya sinabi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
Pagninilay
Sinabi ni Jesus sa Samaritano na bumalik upang magpasalamat sa kanya, ‘Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo’. Ang lahat ng sampu ay gumaling, ngunit isa lamang ang nakaintindi ng buong kahulugan ng nangyari sa kanya. Sa Ingles, ang salitang “thank” ay maaaring pinsan ng salitang “think” ngunit isang titik lang ang kanilang pinagkaiba. Kaya maaari rin nating iugnay na ang nag-iisip ay nakakaalam kung paano magpasalamat. Nararapat lang na ating bigyang pansin kung gaano kahalaga na magpapasalamat sa lahat ng ating natatamasa sa buhay. Naway magiging parte ito ng ating pag-uugali upang dadaloy pa ang maraming grasya sa atin. Panginoon, bigyan mo ako ng isang bukas na puso na may kakayahang magpasalamat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021