Ebanghelyo: Lucas 17: 1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito.
Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.
Pagninilay
Sa unang bahagi ng ating ebanghelyo (vv. 1-3) sinabi ni Jesus na “mas mainam pa sa kanya ang talian sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat,” ginagamit itong batayan ng mga taong sumusuporta sa parusang kamatayan dahil sa pagsang-ayon ni Jesus sa ganitong pamamaraan. Hindi nila maintindihan na gumamit si Jesus ng mga ganitong pananalita tulad ng dukutin ang kanilang mga mata, pagpuputol ng kanilang mga kamay o paa kung iyon ay magiging sanhi ng iyong pagkakasala. Hindi dapat literal ang ating maging pag-unawa rito. Kung ating itutuloy ang pagbabasa hanggang (v. 4) ay binabanggit din na dapat magpatawad sa mga tao kahit na maraming beses silang nagkasala! Pagpapatawad at pagbibigay ng isa pang pagkakataon sa mga nagkasala ang itinuro ni Jesus at hindi pagpaslang sa kanila. Kailangan natin ng malalim na pananampalataya upang talikuran ang kasalanan at patawarin ang mga nagkakasala sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021